Hinahawi ng malakas na hangin ang iyong katauhan.
Ipinapakita nito sa iyo ang makulimlim na hapon.
Malamig pa rin ang pakikitungo sa iyo ng hangin.
Ipinadarama nito sa iyo ang paghihirap ng puno
sapagkat ang kanyang mga dahon ay unti-unting nagpapaalam.
Panoorin mo ang pagtatanghal ng ulan.
Pakinggan mo ang pagsamo nito
na sulyapan ang kanyang pagbuhos sa iyong bakuran.
Naririnig mo ba ang malungkot niyang pag-awit
sa iyong mga pandinig?
Lumabas ka at hayaan mong ililok ng ulan ang iyong kabuuan.
Hayaan mong balutin ka ng kanyang pag-aaruga.
Nararamdaman mo ba ang paghalik ng ulan sa iyong pisngi?
Sasabayan ka niya sa iyong pagluha
at papawiin ang anumang lungkot.
Huwag kang matakot na yakapin ang ulan sa isiping hindi niya ito tutugunan.
Ngayong gabi, bagamat nasusukluban ng makapal na ulap,
ang buwan ang tanging saksi sa pakikiisa mo sa ulan
sapagkat lahat ng nilalang sa inyong paligid
ay abala sa sarili nilang paghinga.
(–Para sa aking kaibigan na si Jopi)
2 Comments
Comments RSS TrackBack Identifier URI
Leave a comment

oh well.